
Ayaw ito ng iba. Nakakadiri daw kasi. Pero nakakadiri naman talaga para sa mga pasosyal na tao.
Tikman mo kaya muna bago ka magreak?
Napakasarap nun. Lalo na kapag inihaw. Yung medyo tustado para malutong ng kaunti. Sabay isasawsaw mo sa sukang maanghang na maraming sibuyas. Ibababad mo pa para mas masaya.
Hay nako, feels like heaven talaga kapag ganun ang eksena hindi ba?
Iba ang kasiyahang maidudulot nito kapag natikman mo. Babalikbalikan mo at hindi ka titigil hangga’t hindi ka nagsasawa(ewan ko lang kung magsawa ka) kahit alam mong busog na busog ka na.
Nakakaadik kumbaga.
Inuulam ko din yun. Meryenda ba. Tulad ngayong linggo. Araw-araw ganun ang meryenda ko. Malutong na inihaw na tenga ng baboy at kaning lamig. Masarap din itong papakin kaso hindi ako nabubusog kasi walang carbohydrates.
Madalas pa akong maubusan nuon kaya ngayon pumupunta na lang ako dun sa ihawan para kunin ang order ko. Alam na kasi nung nagtitinda. Mas maganda na din yung ganun, mahirap na kapag naubusan. Mabenta kasi yun kaya mabilis maubos. Mura pa. Sa halagang sampung piso kada stick eh makakamtaman mo na ang ligayang walang hanggan.
Kaya naman malungkot ako kapag hindi nagtinda ang suki kong ihawan. Para bang kulang ang araw ko.
Pwede rin pala itong gawing sisig. Yung papalutungin mo ng todo bago mo ihahalo ang iba’t ibang sangkap. At mas bongga kung sizzling sisig pa. Matagal nga lang ito gawin. At kung gusto mo yung perpektong lasa, ikaw dapat ang gumawa. Minsan kasi di masarap yung nabibili.
Pero kung sa Crocodile Grill ka oorder ng sisig ay wala kang dapat na ikabahala. The best ang sisig dun. Crunchy and Tasty.
Iba kasi ang dating kapag malutong. Sabay tatadtarin mo ng sili na para bang ayaw mong ipakain sa iba dahil sa sobrang anghang. Sus, napakasarap nun. Wala na atang tatalo pa sa ganung klaseng luto.
Marami pang uri ng putahe ang pwedeng magawa gamit ang tenga ng baboy. Nandiyan ang kilawin na may kakaibang sarap kahit na ito ay kadalasang kinakain ng hilaw(pinakuluan lang siguro ng kaunti). Madalas ito ay gawing pulutan.
Meron ding dinakdakan na nagmula pa sa Ilocos. Masarap ito lalo na kapag utak ng baboy ang ginamit imbis na mayonnaise. Madalas din itong makita sa lamesa ng mga manginginom sa kanto.
Pang-ulam man o pang pulutan ay swak na swak talaga ang tenga ng baboy sa panlasa ng mga Pilipino. Mahilig kasi tayo sa mga street foods. Hindi man lahat pero karamihan sa atin ang nahuhumaling sa mga pagkaeng ibinibenta sa lansangan. Kahit hindi natin alam kung malinis ba ito o hindi ay sige pa din ang ating kain.
Patibayan na lang ng sikmura!